Saturday, August 23, 2008

halina't magtanim ng kamote

03 January 2007

Sarado pa ang Beacon NewsMag Office. Andito ako sa labas, nag-aantay. Nanghihinayang sa mga segundong dumadaan na di nabibigyang saysay ng aking mga daliri ang mga ideyang nagpupumilit, nangungulit... at paminsan minsa'y nangungurot pa.

May mga kuwentong dapat ikuwento. Nung ako ay bata pa, mahilig magbasa ng istorya si Tatay sa 'ming magkakapatid bago kami matulog sa tanghali. Pagkatapos, bibilang s'ya hanggang sampu at ang batang nananatiling dilat pa ang mata ay kukuritin. Madalas kelangan ko ng unan para takpan ang aking mukha nang di n'ya mahalata na ako ay gising pa. Napabilib ko naman s'ya. (Bata pa, artista na.)

Sa palagay ko natuto akong magkuwento dahil kay Tatay. Mahilig rin namang magkuwento si Nanay pero madalas tungkol parati sa drama ng buhay n'ya kaya di ako interesadong makinig nun. Di nga lang ako nangungurot. Namamalo, oo. Pag nahuli kong di ka nakikinig.

Kaya siguro naisipan kong magturo. Pag titser na ako, puede na akong magkuwento buong araw at kelangang makinig ng mga estudyante ko dahil grado nila nakasalalay. Pag titser na ako, babalikan ko ang mga kuwentong humubog sa 'king kakornihan - ang kuwento ni Mamang Unggoy at Mamang Pagong, yung Alamat ni Pinya at mga istoryang Mumo sa mga sagingang nasa bakuran ng luma naming bahay.

Sa ganitong paraan, dadami ang mga totoong bata. Eh kasi ngayon, ang babata pa ng mga bata pero malalaswa na. Naku, pawang kuwentong Eba at Adan at ang malisyosong interpretasyon dito ang pinagtsitsismisan.

Dati sa tuwing napag-uusapan sina Malakas at Maganda, yung uWak na tumuka ang mas interesante para sa akin. Ano kaya problema nun? Masakit kaya ngipin n'ya? E may ngipin ba sya? Yun ang mga tanong ko. Pero ngayon pag nabanggit ang nasabing kuwento, ang tandang pananong sa imahinasyon ng mga batang maligno, este malisyoso, ay kung ano nga bang kababalaghan ang nangyari sa loob ng kawayan nang di pa 'to nabibiyak.

Nag iba na nga talaga ang panahon. At para na akong matanda kung mag isip. Di na tulad ng dati na susuungin ang bawat unos... Ngayon, may mga laban nang inaatrasan.

Di lahat ng kuwento ikinukuwento ko. May mga ibang ikinukubli, kinakalimutan, o di lang talaga dapat pagsayangan ng oras. May mga kuwentong masaya, at iilang kunwari masaya.... Meron rin namang pormal o yung tinatawag kong propaganda material ko lang. Minsan nga may unbelievable love stories pa. Kung sa'n ko hinugot ang istorya, sasabihin ko sa 'yong karanasan ko 'yun. Ang iilang bahagi. At minolde ng mga salitang magaling upang magmukhang ako ang bida, kahit di naman talaga.

May mga kuwentong hindi isinasa titik, kundi isinasabuhay. Tulad ng pagkakaibigan, dapat sing dalas ng pag aaway ang pagsungaw sa nakaraan. Ang nakalipas ay isang daan sa patutunguhan. Anumang landas ang nais tahakin pagkatapos, magkakatuluyan ba o maghihiwalay, ay kuwentong kamote na dapat ay di na sinusulat pa.

Pero iba ako. At iba ka. At sa 'ting pagkakaiba, naku, si God kasi.

Pero ang kuwento ay di pa tapos. Maghihintay ito hanggang, sa wakas, maisip ng mga tauhan na nakasalalay sa kanilang desisyon ang kanilang happy ending.

Sa Blog ko, kaya kong magsulat. Kaya kitang sirain, mahalin, amuyin, sipain, buuin, kagatin at, pag tinamad, di pansinin.

Pero sa totoong buhay, ang mga kuwento ko'y kamote.

3 comments:

Anonymous said...

Kosa te introduction? :p

http://lordamiah.blogs.friendster.com/show_me_the_way/

Augustina Piedra said...

nakakapanindig ang iyong tagalog! hahaha

dayeater said...

"At iba ka. At sa 'ting pagkakaiba, naku, si God kasi."

Wow. The poetry. :D